“Ding! Ang bato!” sigaw ng isang nagpapakilalang Darna.
“Wait lang Sister, o itetch nah!” sagot ni Ding, ang alalay ni Darna.
Hindi ako makapaniwala nang minsang makakita ako ng isang lalaking naka-costume ng Darna noong bata pa ako. Isang eksena lang iyon ng isang talent portion ng Ms. Gay sa pagdiriwang ng pyesta dito sa amin. Panalo ang lola ko. “Kinabog” nga raw nya ang ibang kandidato (o kandidata?).
Naaliw kami ng mga kaibigan ko sa kanila. Malaki kasi ang katawan tapos naka-two piece lang ng kulay pula. Pinagtatawanan ng lahat habang pinapalakpakan. Nakipalakpak din ako ngunit dahil sa paghanga sa tapang niyang lumantad ng ganoon sa harap ng publiko. Kunsabagay, noon ang tingin ko sa kanila, mga taong lagi lamang nagpapatawa, tumatawa at nakakatawa. Gays nga diba? Masayahin kumbaga...
Hindi ko naisip na magiging bahagi sila ng buhay ko. Lumaki akong ang kilala ko lang ay babae at lalaki. Liligawan ni lalaki si babae tapos magpapakasal at magkakaanak. Parang nanay at tatay ko, lalaki si tatay at babae naman si nanay. Pailan-ilan sa mga pagkakataon ng kabataan ko ang mayroong kasamang bakla o gay...bihira pa ang tomboy. Sa paaralan kasi, sisitahin ka ni titser kapag umaastang magaslaw pa sa babae ang isang lalaki. Kapag ang babae naman ang umastang lalaki, magiging mag-isa siya sa sulok. Malamang kasi hindi siya makaka-relate sa babae at hindi naman makakarelate sa kanya ang mga lalaki.
Sa pagdaan ng panahon, at sa paglabas ko sa kahon ng aking kamusmusan, namulat ako sa isang mundong kakaiba. Kakaiba nga ba o nagbago na nga ito ng aking masilayan? (Wiz ko ma-gets kasi ang root of all things...ika nga)
Hindi ako makapaniwala nang muli akong makatagpo ng isang bakla. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi na siya naka-costume ng Darna, wala siya sa parlor at lalong hindi siya nagpapatawa ng mga panahong iyon. Seryoso ang mukha, lalaki kumilos at matipuno pa ngang matatawag ang pangangatawan. Naisip ko nung una na marahil napakaraming babae na itong pinaluha. Nagkamali ako, lalaki din pala ang pinapaluha nya. (Paminta raw ang bansag sa kanya) At sa pagkakataong iyon, nakikipagbalikan siya sa isang dating kasintahan na nawalay sa kanya. Kasintahang lalaki din. (“Kapwa ko mahal ko” umano ang tawag sa relasyon nila) Isa pang matinding rebelasyon sa mundong ito para sa akin ang kainggitan ang isang napakagandang babae na biniyayaan na yata ng lahat na magandang katangian ngunit may kaulayaw na kapwa nya babae na kasing swerte din nya sa kaanyuan. (Mga lipstick ang bansag ng ilang vaklushi)
Sa mundong itong kinamulatan ko, parang balewala na lang ang ganitong mga eksena. Taliwas noong lumalaki ako na kapag bakla, binubugbog ng tatay o di kaya naman “outcast” na halos sa lipunan.
Hanga din naman talaga ako sa kanila. Sa pagdaan ng panahon ay napatunayan nilang higit pa sa pagpapatawa at pangungulot ang kaya nilang gawin. Isang magandang halimbawa na sila ng mga taong hindi nagpatalo sa lupit ng konserbatibong lumang mundo. Bagkus ay ipinakita nila ang kanilang kakayahan. Mayroon silang silbi sa lipunan. Mga fashion designers, kilalang artists, mga pulitiko, sundalo, pulis, mga guro, doctor, nars, piloto, abugado, magagaling na speakers, trainors at iba pa ay hindi nawawalan ng kasaping mga miyembro ng third sex. May mga batas na nga na nangangalaga sa kanila ngayon at mga modernong teknolohiya upang maisakatuparan ang kanilang pagnanasang maging ganap na babae(gays) at ganap na lalaki(lesbians).
Subalit sa mga rebelasyong aking natuklasan, ako mismo sa sarili ko ang naguluhan. Sa ngayon, tila halos kakaibang eba at adan ang lahat ng nasa aking paligid. Ako na ba ang kakaiba sa mundong ito? Kung si Adan ay naghahanap ng kapwa Adan at si Eba ay mas lumiligaya sa kapwa Eba, saan ko ilulugar ang aking sarili?
Isa din akong kakaibang Eba, ngunit hindi dahil sa kapwa Eba din ang aking nais. Isa ako sa mga Eba na hindi pumapayag na ilagay sa kahon at piliting sumunod na lang sa agos. Lumaki akong naging mulat ang isip sa lahat ng pagbabago at magsalita kung kinakailangan upang baguhin ang mga mali dito sa mundo. Sa madaling salita, hindi ko magagawang tumaliwas sa aking kinagisnang oryentasyong sekswal para lamang makasunod sa daloy ng mundo. Ngunit saan ako tutungo kung ang karamihan ng tao ay papunta sa kakaibang direksyon ng buhay?
Hindi na lingid sa aking kaalaman ang lahat ng mga gawain, saloobin at kwento ng mga kakaibang Eba at Adan dito sa mundo. Maniwala man o hindi ang ilan, kalimitan sa aking mga pinagkakatiwalaang kaibigan ay mga gays at lesbians din. Sila pa nga ang ilan sa mga tunay kong minamahal, hinahangaan at tinitingala pa kung minsan. Hindi na rin kakaiba sa akin na magkaroon ng espesyal na puwang sa aking puso ang isang bakla. Para sa akin kasi, lalaki pa din silang maituturing. Ngunit kahit sa fairy tale, mahirap magkaroon ng prince charming na naka-gown ding katulad ko. Kaya malamang, walang happily ever after na magaganap sa amin. Mahirap din naman para sa aking magpanggap na ako ang prince charming at sumagip ng isang binibining humihingi ng saklolo. (“lason” ang term ng ilan sa ganitong sitwasyon)
“Marami namang iba dyan”, ang lagi kong naririnig na namumutawi sa labi ng aking mga kaibigan. Subalit sa tinagal-tagal kong naghihintay, iisa lang ang aking nabatid. Marami akong karibal sa mundong ibabaw. Kaunti na lamang daw ang mga lalaki, karibal ko pa ang ilan sa kanila ngayon. Flopchina ika nga ang ganda ko dito.
Sa Pilipinas, dumarami na ang miyembro ng third sex. Isa pa nga itong konserbatibong bansa. Lalo pa kaya kung ako’y mangingibang bayan. Gaano na lang kakaiba ang mga Eba at Adan doon? Kaya’t kung susumahin ko ang lahat, at kung titingnan ko ang malaking larawan ng mundong ito...baliktad na nga..at ako’y nakabitin patiwarik dahil hindi ko alam kung nasaan na nga ba ang itaas(top) at ang ibaba(bottom) ng lahat ng ito. Sa isang kakatuwang “twist of fate”, pakiramdam ko ako na ang taga-ibang mundo.
Kung makikita ko nga lamang si Ding na nangangalaga ng bato ay hihingiin ko iyon at lulunukin. Tapos ay lilipad ako sa ibang planeta kung saan si Darna ay si Darna at si Superman ay si Superman lang talaga. Marahil doon “where I belong” ay hindi na ako ang magiging kakaiba...at tulad ng pagtanggap ng mundong ito kina Edan (Eba at Adan na pinagsama), matatanggap din ang isang katulad ko sa planeta ni Darna.
"Ding, ang bato!" ang isisgaw ko.
"Sorry, sister! Ako muna ang Darna ngayon!" sagot ni Ding sabay lipad sa ibang mundo.
(ang sulating ito ay base lamang sa saloobin ng isang babae na naguguluhan sa kanyang present condition. Hindi nito nais makasakit o makatapak ng sino man at nais lamang nito na ipahayag ang saloobin. Tutal, ang pagsulat naman ay isang malayang pamamaraan ng pagpapahayag ng damdamin at mga katanungan)